Wednesday, November 11, 2009

Dark Raven at ang mahinang Dark Lord

Basahin ang simula ng Kwentong ito: Simula

Huli na ang lahat. Walang nagawa ang mga taga Lorencia kundi tumakbo, magtago at mawalan ng buhay. May ilang mga Blade Knight ang lumaban ngunit di rin sila nagtagumpay. Sigawan at iyak ang tanging maririnig. Bata man o matanda ay walang pinalampas ang mga ibong sumasalakay. Lahat ng mga ibon ay sumalakay maliban lamang sa isa. Nanatili siyang nakatitig sa mga kasamahang ibon habang pinapaslang ang mga walang labang mamamayan ng Lorencia. Mukhang makapangyarihan at matalino ang ibong ito. May 180,000 na populasyon ang buong Lorencia at napapaslang na ang halos kalahati ng populasyon at patuloy pa itong dumadami dahil sa patuloy na pagsalakay ng mga ibon. Takot at kawalan ng pagasa ang makikita sa mga Lorencians. Lumipad pataas ang mga ibon at inihanda ang panghuling pangsalakay nila. Isang minuto pa at sabay-sabay na silang bumaba upang isagawa ang panghuling atake. Isang daang metro ang layo mula sa lupa nang biglang nagliparan ang libo-libong palaso, kasabay nito ang pagbagsak din ng libo-libong mga mapaminsalang ibon ng walang buhay. Isang Ipo ipo ang sumunod pagkatapos ng mga palaso. Nahati ang populasyong ng mga ibong umaatake. Ang mga natirang ibon ay nag-iba ang direksiyon ng kanilang pagsalakay. Isang ibon ang nagsalita ng
malakas "Sa Silangan tayo! tapusin silang lahat!". Sampung libong mga Fairy Elf ang
nakapormasyong pandigma na may hawak ng iba't-ibang klase ng Pana. Nakahandang bitawan
ang palaso anumang oras, naghihintay na makalapit ng husto ang mga ibon. Napansin ng
mga ibon na ang mga Fairy Elf ay nakapostura kaya naman inuutos ng isa sa mga pinuno ng ibon na "Maghiwa-hiwalay tayo, ang iba ay sa Hilaga at ang iba sumunod sa akin sa Timog." at nagkahiwa-hiwalay nga ang mga ibon na siya namang paglabas ng mga nakatagong Soul Master sa Timog at Hilaga. Tinawag ng mga Soul Master sa Timog ang mga masasamang espiritu(Evil Spirits) upang sila na ang tumapos sa mga mapaminsalang ibon. Sa Hilaga naman ay gumamit ang mga Soul Master ng Nova para mapadali ang katapusan ng mga kalabang ibon.

Nananatili pa rin sa kinalalagyan ang isang tahimik na ibon na siya namang napansin ng isang nakaligtas na Blade Knight. Inihagis ng Blade Knight ang kanyang espada sa ibong nananahimik ngunit madali itong napansin kaya naman madali rin siyang nakalipad. Lumipad papuntang kanluran at tuluyan ng iniwan ang mga nasasawing kasamahang ibon. Sa kanyang paglipad napansin niyang may isang tao ang napapaligiran ng mga Higante habang nagtatawanan ang mga ito. Kitang kita niya kung papaano siya saktan ng mga Higante kaya naman hindi niya ito natiis at bumaba at isa-isang pinaslang ang mga Higante sa loob lamang ng limang segundo. Dumapo ang ibon sa isang Higante at kinain ang kanyang mga mata. "Salamat sayo!" Sabi ng taong nailigtas niya. Nanatiling kumakain ang ibon at hindi man lang pinansin ang sinabi ng kanyang nailigtas. "Aalis na ako! Salamat ulit. Ako nga pala si Josiah! Paalam na sayo!". Tumalikod sa ibon at nagsimulang maglakad papalayo. Lumipad muli ang ibon papunta kay Josiah at sinabing "Isa kang Dark Lord hindi ba?", nanlaki ang mga mata ni Josiah at sumagot ng "Nakakapagsalita ka?" sumagot naman ang ibon "Kanina kinakausap mo ako, ngayong ako ang nagsalita nagtataka ka na nakakapagsalita ako?. "

0 comments: